ORLANDO, Fla. - Kumamada si Franz Wagner ng 31 points habang naglista si Paolo Banchero ng 28 points, 13 rebounds at 7 assists para giyahan ang Magic sa 130-125 pagdaig sa Washington Wizards.
Dinuplika ng Orlando (14-5) ang kanilang franchise record na siyam na sunod na ratsada.
Ito ang ikatlong dikit na 30-point game ni Franz Wagner na ang utol na si Moritz Wagner ay nag-ambag ng 18 points para talunin ang Washington (3-16) sa ikalawang pagkakataon sa loob ng tatlong gabi.
Kumawala ang Magic sa third quarter mula sa pinagsamang 10 points nina Jalen Suggs at Banchero habang natawagan sina Kyle Kuzma at Daniel Gafford ng kanilang ikaapat na personal fouls.
Tumapos si Kuzma na may 27 points.
Sa Toronto, nagsumite si Jalen Brunson ng 22 points at may 17 markers si Josh Hart sa 119-106 paggupo ng New York Knicks (12-7) sa Raptors (9-11).
Sa Phoenix, nagtala si Nikola Jokic ng 21 points at 16 assists sa 119-111 panalo ng nagdedepensang Denver Nuggets (14-6) sa Suns (11-8).