MANILA, Philippines — Naitakas ng NorthPort ang 128-123 overtime win kontra sa TNT Tropang Giga para makabalik kaagad sa winning column ng 2023 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pitong players ang umiskor ng double digits sa pangunguna ng 27 points ni Arvin Tolentino para sa Batang Pier na kumalas sa Tropang Giga para sa 3-2 kartada.
Matamis na bawi ito ng NorthPort matapos matalo sa sister team ng TNT na NLEX, 114-122, sa mainit na laban noong nakaraang linggo tampok ang away sa post-game nina Batang Pier governor Erick Arejola at team manager Pido Jarencio kontra sa dating Road Warriors import na si Thomas Robinson.
Nakasalo ni Tolentino sa bigating overtime win ng NorthPort si import Venky Jois na may 21 points, 12 rebound, 7 assists, 4 steals at 1 block.
Tampok sa pamamayani ni Jois ang huling 6 puntos ng NorthPort sa fourth quarter pati na ang panablang dunk sa 51 na segundo upang makapuwersa ng overtime.
May tig-16 points sina Joshua Munzon at Cade Flores, may 14 si Fran Yu at may tig-10 markerrs sina Brent Paraiso at JM Calma para sa tropa ni coach Bonnie Tan.
Ang stepback triple ni Yu kontra kay TNT import Rondae Hollis-Jefferson ang nagbigay sa NorthPort ng 120-113 bentahe sa extra period.
Nailapit ni Hollis-Jefferson ang Tropang Giga sa 123-125 sa huling 38 segundo.