Uptick inunahan ang World Is Not Enough

MANILA, Philippines — Sinungkit ng Uptick ang unang career-win matapos ungusan ang mga katunggali sa 3-Year-Old & Above Maiden race na inilarga sa Metro Turf, Malvar-Ta­nauan City, Batangas noong Linggo.

Kumaripas ang Uptick paglabas ng aparato upang hawakan kaagad ang bandera pero kinapitan ng Word Is Not Enough, habang nasa tersero ang Homecourt.

Pagdating ng karera sa far turn ay unti-unting lu­mayo ang Uptick sa mga katunggali kaya pagsungaw ng huling kurbada ay nasa apat na kabayo na ang lamang sa humahabol na Word Is Not Enough.

Pagsapit sa rektahan ay lalo pang inilayo ni class A rider O’Neal Cortez ang Uptick at tinawid nito ang finish line na may mahigit 10 kabayo ang abante sa sumegundong Word Is Not Enough.

“Magaan na nanalo ang Uptick, magaling na kaba­yo puwedeng maging champion horse kaya aabangan namin siya sa pista,” wika  ni Gilbert Fernando na isang beteranong karerista.

Nasikwat ng winning horse owner na si A.V. Tan ang P20,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).

Tumersero ang Streisand, habang pumang-apat ang Hellguy.

Show comments