MANILA, Philippines — Sinamantala ng TNT Tropang Giga ang hindi paglalaro nina Terrafirma import Thomas De Thaey at veteran guard Juami Tiongson para ilista ang ikalawang dikit na panalo.
Humakot si PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson ng 37 points, 6 rebounds at 6 assists para dalhin ang Tropang Giga sa 133-93 paglampaso sa Dyip sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang pinakamalaking winning margin ng TNT franchise matapos ang 127-89 demolisyon sa Blackwater noong 2019 PBA Philippine Cup.
May 16-0 record sila sa duwelo sa Terrafirma.
Nag-ambag sina Jayson Castro, Calvin Oftana at rookie Henry Galinato ng tig-15 markers at may 13 points si Kelly Williams para sa 2-1 record ng TNT.
Bigo naman ang Terrafirma na makadiretso sa tatlong sunod na arangkada para sa 2-2 marka.
Nagpasabog ang Tropang Giga ng 41 points sa kabuuan ng third quarter at nilimitahan ang Dyip sa 16 markers para itarak ang 99-71 abante sa pagtiklop nito.
Sa halftime ay nagbitbit lamang ang kampo ni coach Jojo Lastimosa ng three-point lead, 58-55.
Lalo pang nag-init ang opensa ng TNT sa fourth period matapos iposte ang 40-point advantage, 128-88, sa huling 3:35 minuto.
Umiskor si Javi Gomez De Liano ng 16 points para sa Terrafirma, habang may 14, 13 at 12 markers sina Isaac Go, No. 1 overall pick Stephen Holt at Eric Camson, ayon sa pagkakasunod.
Kasalukuyan pang naglalaro ang NLEX at NorthPort habang isinusulat ito kagabi.
Samantala, lalabanan ng Barangay Ginebra ang Rain or Shine bukas sa Big Dome.