Ateneo kinubra ang huling Final 4 ticket

MANILA, Philippines — Dinagit ng defending champion Ateneo De Manila University ang huling silya sa Final Four matapos tukain ang 70-48 panalo kontra Adamson University sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Lumanding sa No. 4 ang Blue Eagles kaya makakalaban nila ang may hawak na ‘twice-to-beat’ advantage at top seed na University of the Philippines Fighting Maroons sa semifinals.

Uminit ang opensa ni Jared Brown na kumana ng 20-point performance mula sa 8-of-14 field goal shooting para sa Ateneo na dinomina ang Adamso sa kanilang ‘do-or-die’ match.

Nagdagdag si Sean Quitevis ng 11 points at may 10 markers si Mason Amos.

Ipinaramdam agad ng Katipunan-based squad ang kanilang lakas sa unang dalawang quarters tangan ang 15-point lead, 40-25, sa halftime.

Hanggang sa payoff period ay nanatiling nag­liliyab ang Blue Eagles kung saan ay inilipad nila ang biggest lead na 25 puntos, 67-42, may 4:16 minuto na sa orasan.

Pinangunahan ni Matt Erolon ang Falcons sa kanyang 9 points, habang may 8 at 5 markers sina Didat Hanapi at Jhon Arthur Calisay, ayon sa pagkakasunod.

Nagkaroon ng playoff ang Blue Eagles at Fal­cons nang ilista ang parehong 7-7 karta sa 14-game double round robin.

Nagsosyo sila sa No. 4 sa team standings.

Nasilo naman ng No. 2 seed De La Salle ang pangalawang bonus at makakalaban nila ang No. 3 National University sa isa pang semis match. 

 

Show comments