MANILA, Philippines — Inilabas ni three-time conference MVP Alyssa Valdez ang bagsik nito upang patunayan na may bagsik pa itong taglay.
Nagrehistro ang dating Ateneo de Manila University standout ng 13 puntos para manduhan ang Cool Smashers na makuha ang 25-23, 25-21, 25-19 panalo laban sa PLDT Home Fibr sa Premier Volleyball League (PVL) Second All-Filipino Conference na dumayo sa Aquilino Q. Pimentel International Convention Center sa Cagayan de Oro City.
“Talagang yung leadership niya (Valdez) talagang laging nandiyan. Happy kami kasi nakakuha kami ng three sets, lumalapit kami sa semifinals,” ani Cool Smashers head coach Sherwin Meneses.
Maliban sa 13 puntos, nagtala rin si Valdez ng 10 receptions.
Matatandaang ibinangko si Valdez sa nakalipas na laro ng Cool Smashers.
Kaya naman magandang resbak ito para sa dating UAAP MVP.
Nagpasalamat si Valdez sa mga fans na nanood at sumuporta sa laro ng PVL.
“Sila (fans) yung dahilan kaya hindi kami nagsasawa maglaro at mag-improve pa. Yun talaga ang gusto namin yung mapasaya namin ang mga nanonood,” ani Valdez.
Hangad ni Valdez na mas marami pang probinsiya ang mabisita ng PVL upang mabigyan ng pagkakataon ang mga fans na masaksihan ang magagandang laro ng liga.
Magandang pagkakataon din ito para magbigay inspirasyon sa mga kabataang nagnanais maging volleyball players sa mga susunod na henerasyn.
“Sana mas marami pang mapuntahan na probinsiya ang PVL para magsilbing inspirasyon lalo na sa mga kabataan,” dagdag ni Valdez.