2-dikit na panalo sa Dyip
MANILA, Philippines — Naitakas ng Terrafirma ang 113-112 panalo kontra sa NLEX para sa ikalawang sunod na tagumpay nito sa 2023 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Sinalpak ni Aldrech Ramos ang panlamang na follow-up sa huling segundo bago sumandal ang Dyip sa sablay na freethrow ni Thomas Robinson sa huling segundo upang maisukbit ang dikit na tagumpay.
Nagliyab sa 31 puntos sa likod ng 4 na tres sahog pa ang 5 rebounds, 2 assists at 2 steals si Javi Gomez de Liaño upang giyahan ang pambihirang panalo ng Dyip na rumatsada sa 2-1 kartada.
Humakot ng double-double na 23 puntos at 16 rebounds ang import na si Thomas De Thaey habang nagpasiklab na sa wakas ang No. 1 overall pick na si Stephen Holt tampok ang 21points, 6 rebounds at 6 assists.
Kumamada naman ng 17 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod sina Isaac Go at Juami Tiongson para sa balanseng atake ng Terrafirma na nakakuha ng 4 na puntos mula kay Ramos kabilang na ang pampanalong basket.
Sablay ang Terrafirma sa unang laban nito kontra sa Northport, 108-103, subalit nakabawi agad laban sa Blacwakter, 97-87, bago silatin ang NLEX.
Napurnada ang 40 puntos at 9 rebounds ni Robinson, na na-foul sa huling 1.6 segundo pero isa lang ang naipasok, tungo sa kabiguan ng Road Warriors.
- Latest