Tiongson dinala ang terrafirma sa panalo
MANILA, Philippines — Nagliyab si ace guard Juami Tiongson upang trangkuhan ang Terrafirma sa 97-87 pagdaig sa Blackwater sa 2023 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Umariba ang batikang cager ng 25 points sahog ang 3 rebounds, 8 assists at 2 steals para banderahan ang Dyip sa matamis nitong higanti matapos kapusin sa NorthPort.
May 15 points si import Thomas De Thaey subalit humakot ng 12 rebounds, 2 assists at 1 steal upang trangkuhan ang depensa ng Terrafirma.
Pumukol ng 17 at 10 points sina Javi Gomez de Liaño at rookie big man Kemark Carinno, ayon sa pagkakasunod.
May 7 points, 7 rebounds at 5 assists si No. 1 overall pick Stephen Holt sa magilas na debut win ng Dyip.
Muntikang malustay ng Terrafirma ang 50-40 abante sa halftime nang dumikit sa 64-66 ang Blackwater matapos ang layup ni Mike Ayonayon subalit mabilis silang bumalikwas tungo sa 13 puntos na panalo.
Nagtala si import Chris Ortiz ng 15 points at 16 boards para sa Blackwater.
- Latest