Jumper ni Thompson nagsalba sa Warriors

SAN FRANCISCO — Isinalpak ni Klay Thompson ang game-winning jumper sa huling 0.2 segundo para itakas ang Golden State Warriors kontra sa Sacramento Kings, 102-101.

Ang banked shot ni Domantas Sabonis ang nagbigay sa Kings ng 101-100 bentahe sa natitirang 16 segundo matapos ang layup ni Stephen Curry para sa 100-99 kalama­ngan ng Warriors.

Tumapos si Thompson na may 14 points para sa Golden State (4-1) na nakahugot kina Curry, Dario Saric, Andrew Wiggins, Draymond Green at Jonathan Kuminga ng 21, 15, 14, 13 at 12 markers, ayon sa pagkakasunod.

May 23 points, 11 rebounds at 8 assists si Sabonis habang may 16 markers si Malik Monk sa panig ng Sacramento (2-2) na naglaro na wala si leading scorer De’Aaron Fox (sprained right ankle).

Sa Boston, kumolek­ta si Jayson Tatum ng 30 points at 12 rebounds para pamunuan ang Celtics (4-0) sa 155-104 pagmasaker sa Indiana Pacers (2-2).

Ang nasabing winning score ng Boston ang pinakamarami matapos ang 173-139 paggupo sa Minneapolis noong 1958-59 season.

Sa Los Angeles, humataw si LeBron James ng 35 points at 11 rebounds at nagsalpak si Austin Reaves ng pito sa kanyang 15 points sa overtime sa 130-125 pagdaig ng Lakers sa Clippers.

Show comments