Porzingis, Tatum bumida sa Celtics vs Knicks

Isinalpak ni Kristaps Porzingis ng Celtics ang isang two-handed slam kontra sa Knicks.

NEW YORK — Isinalpak ni Kristaps Porzi­ngis ang isang tiebreaking 3-pointer sa huling 1:29 minuto ng fourth period at tumapos na may 30 points sa 108-104 panalo ng Boston Celtics kontra sa Knicks.

Naglista si Jayson Tatum ng 34 points at 11 rebounds para sa Boston na nakahugot din sa 7-foot-3 center na si Porzingis ng 8 rebounds at 4 blocks laban sa original niyang NBA team na New York.

“Honestly, it’s an awesome feeling to come back now being a Celtic and play here,” sabi ni Porzingis.

Nagdagdag si Derrick White ng 12 markers para sa Celtics habang tumipa si Jaylen Brown ng 11 points, 6 rebounds at 5 assists.

Umiskor sina RJ Barrett at Immanuel Quickley ng tig-24 points sa panig ng Knicks.

Sa San Antonio, kumo­lekta si Luka Doncic ng triple-double na 33 points, 14 rebounds at 10 assists para igiya ang Dallas Ma­vericks sa 126-119 panalo sa Spurs.

Diniskaril ng Dallas ang NBA debut ni No. 1 draft pick Victor Wembanyama na naglista ng 9 points, 5 rebounds, 2 assists at 1 block para sa San Antonio.

Sa Miami, nagtala si Bam Adebayo ng 22 points habang may 19 markers si Jimmy Butler para akayin ang Heat sa 103-102 pagtakas sa Detroit Pistons.

Nag-ambag si Tyler Herro ng 16 points, samantalang may 15 at 13 markers sina Duncan Robinson at Kevin Love, ayon sa pagkakasunod.

Show comments