MANILA, Philippines — Gumapang sa second half ang De La Salle University upang panain ang 83-75 panalo kontra sa University of the East sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion, kahapon.
Kinalsuhan ng Green Archers ang kanilang two-game losing streak matapos silang akbayan sa opensa ni Raven Cortez.
Tumapos si Cortez ng 18 points para buhatin ang Taft-based squad sa 4-3 record na nagpalakas ng kanilang kapit sa No. 3 spot sa team standings.
Mabagal na inumpisahan ng La Salle ang kanilang laro matapos silang iwanan ng UE ng 11 puntos sa halftime, 37-48.
Ngunit ipinaramdam ng Green Archers ang kanilang lakas sa third canto at naibaba nila sa isang puntos ang hinahabol, 62-63 papasok ng fourth period.
Sa payoff period ay nagpatuloy ang mainit na laro ng La Salle para tuluyan ng tapusin ang UE.
Sa unang laro, muling nasilayan ang bangis ng National University matapos nilang sakmalin ang 69-66 panalo kontra sa Adamson University.
Humugot ng bangis ang Bulldogs kina Kean Baclaan at Jake Figueroa upang lapain ang four-game winning streak at patatagin ang puwesto sa No. 2 spot ng team standings tangan ang 6-1 record.
Kumayod si Baclaan ng 19 points habang 17 ang inambag ni Figueroa para sa Bulldogs na ipinalasap sa Soaring Falcons ang pang-apat na talo sa pitong salang.
“Pinatunayan ko lang yung worth ko sa team. Pinakita ko lang kung ano yung kaya ko maitulong sa team. Hindi ko naman inisip yung points, kusa lang din dumating,” ani Baclaan.