Masarap pa rin ipagpatuloy ang selebrasyon sa gold-medal feat ng Gilas Pilipinas sa kalilipas na Hangzhou Asian Games.
Syempre naman, lalo na’t first Asiad championship ito ng bansa sa mahigit anim na dekada.
Pero tunay na nariyan ang pangangailangan ng mga basketball leaders na umupo sa isang summit at pag-usapan na ang national team program para sa nalalapit na FIBA Asia Cup Qualifiers at ang long-term goal.
Sino ang national coach at sino ang mga players na mapapasama sa national team? Ito ang pangunahing katanungan.
Para awtomatikong mapasama sa Asia Cup proper, kailangan ng Gilas ng Top 2 finish sa kanilang qualifying group na kinabibilangan ng New Zealand, Chinese Taipei at Hong Kong.
Kung pagbabasehan ang past results, magaan ang Hong Kong pero mabigat ang New Zealand at hindi pwedeng biruin ang Chinese Taipei.
Labing walong koponan ang uusad sa Asia Cup proper kung saan paglalabanan ang korona na pinanalunan ng Australia sa unang dalawang edisyon nang pagsali nila sa tournament.
Mas lalong bumigat ang karera para sa Asia Cup crown dahil sa merger ng Asia at Oceania teams.
February sisipa ang qualifiers, kaya’t dapat nang pag-usapan ang concrete plans at ang landas na tatahakin ng Gilas.