Akari puntirya ang ika-2 panalo laban sa PLDT
MANILA, Philippines — Matapos daigin ang bigating F2 Logistics ay ang mapanganib namang PLDT Home Fibr ang lalabanan ng Akari sa 2023 Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference.
Nakatakda ang duwelo ng Power Chargers at High Speed Hitters ngayong alas-5 ng hapon matapos ang laro ng Chery Tiggo Crossovers at bagitong Galeries Tower Highrisers sa alas-3 ng hapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Sa huling laro sa alas-7 ng gabi ay maglalaban naman ang Choco Mucho Flying Titans at Farm Fresh Foxies.
Tinakasan ng Akari ang F2 Logistics, 21-25, 25-20, 27-25, 19-25, 15-8, noong Miyerkules.
Ayon kay head coach Jorge Souza de Brito, marami pang ilalabas ang kanyang mga Power Chargers.
“There’s a lot to improve on but we’re on the way and it’s good because everyone is involved,” wika ng Brazilian mentor.
Sa nasabing panalo sa Cargo Movers ay nagposte si Trisha Genesis ng 13 points mula sa 10 attacks at 3 aces para sa Power Chargers, habang nagtala si rookie Fifi Sharma ng 13 markers.
Nakalasap ang PLDT ng 16-25, 25-20, 21-25, 20-25 kabiguan sa Cignal.
Target din ng Chery Tiggo ang pangalawang dikit na panalo sa pagsagupa sa Galeries Tower.
Umiskor ang Crossovers ng 25-21, 25-23, 25-22 pagwalis sa Foxies tampok ang pinagsamang 27 points ng magkapatid na EJ at Eya Laure.
Humataw naman si Ces Robles ng siyam na marka sa third set para saluhin ang trabaho ni Mylene Paat na nagpapagaling ng right foot injury.
Nagmula naman ang Highrisers sa11-25, 24-26, 22-25 kabiguan sa Petro Gazz Angels.
Samantala, pinayagan ng Creamline si Ced Domingo na maglaro sa ibang bansa.
Nauna nang umalis si top setter Jia de Guzman para sumabak sa Japan V.League.
- Latest