Netizens rumesbak din para depensahan si Obiena

EJ Obiena
STAR/ File

MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng netizens si World Championships silver medalist at Asian record holder Ernest John ‘EJ’ Obiena sa kabila ng alegasyon ng doping.

Mainit din ang netizens sa ginawang akusasyon ng asawa ni French pole vaulter Renaud Lavillenie na si Anais.

Naglatag ng kaliwa’t kanang komento ang ilang netizens upang depensahan ang Pinoy pole vaulter.

Ilang netizens pa ang nagkomento sa personal na account ni Renaud sa social media upang iparating ang pagkakadismaya ng mga ito.

Matatandaang nagkomento si Anais sa isang post ng isang magazine sa Facebook kung saan sinabi nitong “Obiena doped and it’ll fall like Braz. Same coach, same plan.”

Binura na ni Anais ang komento nito.

Subalit hindi nakawala ang komento sa netizens dahil mayroon itong screenshot.

Agad namang sumagot si Obiena na masama ang loob sa alegasyon sa kanya.

Mabigat na akusasyon ang doping sa mga atleta dahil nadudungisan nito ang kanilang pangalan.

Kaya naman pinag-aaralan ng kampo ni Obiena na dalhin ito sa usaping legal.

Sariwa pa si Obiena sa matamis na pagkopo ng gintong medalya sa katatapos na 19th Asian Games sa Hangzhou, China kung saan binasag nito ang Asian Games record.

Lumundag si Obiena ng 5.90 metro para burahin ang 5.70m na naitala ni Seito Yamamoto ng Japan noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Umalis ng Pilipinas si Obiena upang ipagpatuloy ang paghahanda nito para sa 2024 Paris Olympics.

Show comments