Lyceum, Jose Rizal U unahang bumangon

MANILA, Philippines — Mag-uunahan sa pagbangon mula sa kamalasan ang Lyceum of the Philippines University at Jose Rizal University sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament sa Filoil Centre sa San Juan City.

Maglalaban ang Pirates at Heavy Bombers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang salpukan ng University of Perpetual Help System DALTA Altas at San Beda University Red Lions sa alas-2 ng hapon.

Hawak ng Mapua ang solong liderato sa kanilang 6-1 record kasunod ang Lyceum (6-2), San Beda (4-2), Emilio Aguinaldo College (4-3), Jose Rizal (4-3), St. Benilde (4-3), Perpetual (3-4), San Sebastian (3-4), Arellano (1-6) at ‘three-peat’ champions Letran (0-7).

Matapos magposte ng 6-0 baraha ay dalawang sunod na kabiguan ang nalasap ng Pirates habang nasa two-game losing skid din ang Heavy Bombers.

Nagmula ang Ly­ceum sa 83-87 kabiguan sa Mapua at nakatikim ang Jose Rizal ng 70-74 pagyukod sa San Beda sa kanilang mga huling laro.

Sa unang laban, target ng Altas ang kanilang ikatlong dikit na panalo, samantalang puntirya ng Red Lions ang back-to-back wins.

Sa 74-59 paggupo ng Perpetual sa Letran ay nagtala si Jun Roque ng 22 points, 11 rebounds, 2 assists, 2 steals at 2 blocks.

“Siguro magtutuluy-tuloy na iyan kasi I think this is the first time na maganda iyong shooting namin sa stat sheets eh. And also hopefully, Roque can continue hitting shots for us,” ani Altas’ coach Myk Saguiguit.

Show comments