MANILA, Philippines — Nagulantang ang basketball community kahapon ng umaga matapos bumungad ang balitang nagpositibo sa doping test si naturalized player Justin Brownlee.
Ilang araw matapos pormal na magsara ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China ay inilabas ang ulat na positibo si Brownlee sa Carboxy-THC base sa isinagawang pagsusuri ng Lausanne-based International Testing Agency (ITA) sa Sample A urine ni Brownlee.
Ang Carboxy-THC ay mahigpit na ipinagbabawal dahil natutulad ito sa paggamit ng ‘cannabis.’
“The sample was collected by the ITA at the Asian Games Hangzhou 2022 during an in-competition anti-doping control performed on 7 October 2023,” ayon sa pahayag ng ITA.
Ipinaalam na kay Brownlee ang resulta ng pagsusuri kung saan maaring humiling ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na suriin din ang Sample B urine.
Malaki ang naging papel ni Brownlee sa Gilas Pilipinas na masungkit ang ginto sa Asian Games sa unang pagkakataon matapos ang 61 taon.
Pinataob ng Gilas Pilipinas ang Jordan, 70-60, sa championship game kung saan nagtala si Brownlee ng double-double na 20 points at 10 rebounds.
Hindi lamang si Brownlee ang nagpositibo sa doping dahil kasama rin si Sami Bzai ng Jordan na nakitaan ng steroid sa Sample A urine.