MANILA, Philippines — Nakasiguro pa ng tansong medalya ang Pilipinas mula kay cyclist Patrick Coo sa 19th Asian Games na ginaganap sa Hangzhou, China.
Nasiguro ni Coo ang podium finish sa men’s individual BMX racing kahapon sa CSC BMX Course.
Naglagak si Coo ng 39.076 segundo upang makuha ang tansong medalya.
“I’m very happy but hurting for sure. I ripped my pants in the process and got it fixed immediately,” ani Coo.
Nanguna si gold me-dalist Asuma Nakai ng Japan habang pumangalawa si silver medalist at SEA Games champion Komet Sukprasert ng Thailand.
Nagsumite si Nakai ng 37.542 segundo habang naglista naman si Sukprasert ng 38.478 segundo.
Nagkasya naman si Daniel Caluag sa ikaanim na puwesto matapos magsumite ng 40.433 segundo.
Si Caluag ay gold medalist noong 2014 Incheon Asian Games habang nakatanso ito noong 2018 Jakarta Games.
“I feel very happy, I went straight to the biggest one, the Asian Games,” ani Coo.
Nagpasalamat si Coo kay Philippine Olympic Committee president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na siya ring pangulo ng PhilCycling.