MANILA, Philippines — Babawi si Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio sa Olympic qualifying tournament matapos matanggal sa kontensiyon sa 19th Asian Games.
Ilalabas ni Petecio ang buong lakas nito sa qualifiers para makahirit ng tiket sa Paris Olympics na idaraos sa susunod na taon.
Hindi pinalad si Petecio na makasungkit ng puwesto sa Paris Games nang yumuko ito kay Chinese-Taipei bet Lin Yu Ting sa first round ng Asian Games women’s 54-57 kg women’s boxing sa Hangzhou Olympic Sports Center Gymnasium.
Matikas na resbak ito para sa Taiwanese fighter na tinalo ni Petecio sa Tokyo Olympics.
Nais na ni Petecio na kalimutan ang Asian Games upang pagtuunan ng pansin ang World Qualifying Tournaments sa susunod na taon.
Una na ang qualifying event sa Busto Arzizio sa Italy mula Pebrero 29 hanggang Marso 12 at sa Bangkok, Thailand sa Mayo 23 hanggang Hunyo 3.
Suportado ni Association of Boxing Alliances in the Philippines chairman Ricky Vargas si Petecio na nangakong ibubuhos ang mga kakailanganin nito.