MANILA, Philippines — Kumana ang Team Philippines ng unang silver medal mula kay Arnel Mandal sa 19th Asian Games wushu competition na ginaganap sa Hangzhou, China.
Nasiguro ni Mandal ang pilak na medalya matapos matalo kay Jiang Haidong ng host China sa gold-medal match ng wushu men’s sanda 56kg division.
Nagtala ni Haidong ng 2-0 panalo sa pamamagitan ng winner by point difference (WPD) sa labang ginanap sa Xiaoshan Guali Sports Centre.
“Ginawa ko ang lahat sa finals pero hindi tayo pinalad. Sa mga umaasa sorry better luck next time na lang po. Pero thankful pa rin ako na nakapag-uwi ako ng silver medal,” ani Mandal.
Nakapasok si Mandal sa finals matapos patumbahin si Avazbek Amanbekov ng Kyrgyzstan sa pamamagitan ng 2-0 desisyon sa semifinal round.
Sa kabila ng kabiguan, masaya si Mandal sa nakamit nitong pilak na medalya na iniaalay nito sa kanyang mga kababayang patuloy na sumusuporta sa mga atletang Pinoy.
Ito ang ikaapat na medalya ng national wushu team sa Asian Games.
Nauna nang humirit ng tanso sa kani-kanyang events sina Gideon Padua (men’s 60-kg.), Clemente Tabugara (men’s 65-kg.) at Jones Llabres Inso (men’s tajiquan+taijijian all-round).