Mandal tumiyak ng silver para sa Pinas
MANILA, Philippines — Matapos malasin sa medalya noong Martes, isang silver at tatlong bronze medals ang natiyak ng Team Philippines mula sa wushu at tennis sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China kahapon.
Tinalo ni sanda fighter Arnel Mandal si Avazbek Amanbekov ng Kyrgyzstan, 2-0, sa semifinals patungo sa finals ng men’s sanda 56 kilogram para tumiyak ng silver medal.
Nakuntento sa bronze si Clemente Tabugara matapos ang 0-2 kabiguan kay Samuel Marbun ng Indonesia sa semis ng men’s 65 kilogram.
Hindi pinalaban ng wushu association si Gideon Fred Padua sa semis ng men’s 60 kilogram matapos magkaroon ng injury sa quarterfinals match kaya bronze lang ang nakuha niya.
Walang natusok na medalya si Johnzenth Gajo sa finals ng men’s daoshu at gunshu all-around.
May tiyak na ring bronze medal si Pinay tennis player Alex Eala matapos pumasok sa semifinals mula sa 0-6, 7-5, 6-0 panalo kay Okamura Kyoka ng Japan sa quarterfinals.
Lalabanan ng No. 4 seed na si Eala sa semis si top seed Zheng Qinwen ng China na sinibak si Park Sohyn ng South Korea, 7-6 (4), 6-0 sa quarters.
Bigo si 2018 Asiad champion Margielyn Didal na maidepensa ang kanyang gold sa women’s street skateboarding nang hindi makumpleto ang kanyang routine sa finals.
Kulelat ang 24-anyos na Cebuana skater sa walong finalists kagaya ni Renzo Mark Feliciano sa finals ng men’s street event.
Nakatakdang labanan ng Gilas Pilipinas ni coach Tim Cone ang Thailand ngayong alas-11 ng umaga kung saan target nila ang 2-0 record sa Group C.
Pinadapa ng Gilas U23 team ang Hong Kong, 21-15, para sa 3-0 baraha sa men’s 3x3 tournament.
Umiskor si Janine Pontejos ng 21 points tampok ang pitong triples para igiya ang Gilas Women sa 83-59 paglampaso sa Kazakhstan.
Hindi rin nakakuha ng medalya si Kursten Rogue Lopez sa pagiging 13th placer sa women’s all-around finals ng artistic gymnastics at sina taekwondo jins Arven Alcantara, Laila Delo at Dave Cea.
- Latest