MANILA, Philippines — Buhay pa ang pag-asa ni Margielyn Didal na madepensahan ang kanyang korona matapos umabante sa final round ng women’s street event kahapon sa 19th Asian Games skateboarding competition na ginaganap sa QT Roller Sports Centre sa Hangzhou, China.
Inilatag ni Didal ang kanyang husay matapos ilabas ang impresibong performance upang makasiguro ng tiket sa eight-player final round.
Nakatakda ang finals ngayong alas-10 ng umaga.
Makakasagupa ng 24-anyos Cebu pride sina Ha Siye ng South Korea, Nathtiyabhorn Nawakitwong at Vareeraya Sukasem ng Thailand, Miyu Ito at Yumeka Oda ng Japan at sina Cui Chenxi at Zeng Wenhui ng host China.
Nakasiguro ng silya sa finals si Didal matapos pumang-anim sa qualifying round.
Nagtala ito ng 37.86 puntos sa kanyang first run habang umiskor ito ng 41.53 puntos sa second run.
Dinomina ng host bets na sina Zeng at Cui ang eliminasyon matapos okupahan ang unang dalawang puwesto.
Naglista si Zeng ng 33.00 sa first run at 69.15 sa second run habang may naisumiteng 65.82 sa first run at 66.36 sa second run si Cui.
Nagtala naman si Oda ng 52.89 at 64.26 samantalang may 44.20 at 53.96 si Ito para sa ikatlo at ikaapat na puwesto, ayon sa pagkakasunod.
Pumanglima si Sukasem na may 18.96 at 46.39 habang ikapito si Nawakitwong na may 39.34 at 21.96 at ikawalo si Ha na may 7.86 at 12.12.
Nalaglag si Lui Yi Ting ng Hong Kong na may 2.76 at 6.36.