MANILA, Philippines — Matapos ang kanilang makasaysayang paglalaro sa FIFA Women’s World Cup ay sasalang naman ang Philippine women’s national football team sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Babanderahan ni Sarina Bolden ang Filipinas kasama sina veterans Katrina Guillou, Chandler McDaniel, Meryll Serrano, Sara Eggesvik, Quinley Quezada, Jaclyn Sawicki, Reina Bonta, Jessika Cowart, Sofia Harrison, Hali Long, Inna Palacios, Bella Pasion at goalkeepers Olivia McDaniel at Kiara Fontanilla.
Nasa lineup din sina Eva Madarang, Anicka Castaneda, Kaya Hawkinson, Natalie Oca at Alisha Del Campo.
Si Mark Torcaso ang gagabay sa mga Pinay booters matapos tanggapin ni mentor Alen Stajcic ang coaching job sa Perth Glory men’s team.
“Everyone’s goal is to win something special like this. So, our aim is to get as far as possible that we can in the tournament and hope to play in the final game,” ani Torcaso.
Kaagad makakatapat ng Filipinas ang Hong Kong ngayong alas-4 ng hapon sa Group E pool play sa Wenzhou Sports Centre Stadium.
Tinalo na ng Nationals ang Hong Kong, 4-0, sa first round ng nakaraang AFC Women’s Olympic Qualifying Tournament.
Matapos ang Hong Kong ay lalabanan ng Nationals ang Korea sa Lunes.
Ang Southeast Asian rival na Myanmar ang haharapin nila sa Huwebes.
Samantala, bumiyahe kahapon ang mga national teams ng swimming, gymnastics, esports at rugby para sa kampanya sa Hangzhou Asiad.
Nauna nang umalis ang mga koponan ng men’s indoor volleyball, men’s at women’s beach volleyball, rowing, windsurfing, boxing, chess, cycling, fencing, tennis, wushu at shooting.
Sa 2018 Asiad sa Indonesia ay nag-uwi ang tropa ng apat na gold, dalawang silver at 15 bronze medals para tumapos sa No. 19 sa kabuuang 37 bansa.