Vavavoom umarangkada sa PSA Cup
MANILA, Philippines — Isa sa mga naging susi ng pagkakapanalo ng Vavavoom sa katatapos na Philippine Sportswriters Association (PSA) Cup na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas, noong Linggo ng hapon ay ang matagal na tambalan ng kabayo at hinete.
Inamin ng premyadong trainer na si Ruben Tupas na inaasahan niyang mananalo ang Vavavoom dahil maliban sa magandang paghahanda sa kabayo ay regular jockey niya si Andreu Villegas.
“Regular rider ni Vavavoom si Villegas (Andreu) mga 2 years na yata silang magkasama kaya gamay na nila ang isa’t-isa,” kuwento ng many-time Trainer of the Year.
Ayon kay Tupas, nag-iingat sa simula ng karera si Villegas dahil sa lakas ng buhos na ulan, iniiwasan ang banggaan kaya nang maaninagan na maluwag na ang daraanan ay saka kumuha ng unahan ang Vavavoom papalapit ng far turn.
Halos hindi na makita ng race caller ang mga kabayo pero pagsapit sa huling kurbada ay natanaw na nitong bumibibo sa unahan ang Vavavoom.
Pakarera ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang nasabing charity horse race at nakipagsanib sa PSA na pinamunuan ni president at Philippine Star sports editor Nelson Beltran.
Inilista ng Vavavoom ang tiyempong 1:25.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P150,000 para sa winning horse owner na si Sandy Javier Jr.
Ayon kay Tupas, pang regular races lang ang Vavavoom pero may galing ang kabayo kaya inaasahan pa rin niyang mananalo ang kanyang alaga sa susunod na karerang sasalihan nito.
- Latest