Pilipinas umangat sa FIBA rankings
MANILA, Philippines — Sa kabila ng masaklap na kampanya sa katatapos na FIBA World Cup, umangat ang Gilas Pilipinas sa pinakabagong ranking ng FIBA.
Mula sa dating ika-40 puwesto, lumundag ito ng dalawang puwesto para okupahan ang ika-38 posis-yon sa FIBA ranking.
Malaking tulong ang isang panalo ng Gilas Pilipinas sa limang pagsalang nito sa FIBA World Cup na ginanap sa bansa.
Nagtala ang Pinoy cagers ng 21 puntos na panalo kontra sa China sa kanilang huling asignatura para magarbong tapusin ang kanilang kampanya tangan ang 1-4 marka.
Malaki ang ini-angat ng reigning FIBA World Cup champion Germany na pinamunuan ni Dennis Schroder na sumulong sa Top 3 position.
Kasalukuyang may 759.7 ranking points ang Germany.
Matikas na winalis ng Germany ang lahat ng walong asignatura nito para masikwat ang kampeonato.
Pinataob ng Germany ang Serbia sa gold-medal match.
Sa kabila ng kabiguang makahirit ng medalya, nabawi ng Amerika ang No. 1 spot para ungusan ang Spain na nalaglag sa ikalawang puwesto.
Tumapos ang USA sa ikaapat na posisyon matapos matalo sa Canada sa battle-for-bronze match sa FIBA World Cup.
Umakyat ang Canada sa No. 6 spot mula sa dati nitong puwesto na No. 15.
Pinakamalaking lundag din ang ginawa ng Latvia at South Sudan.
Nasa ikawalo na ang Latvia mula sa dating No. 30.
Ang South Sudan naman ay nasa No. 30 na mula sa dating No. 63.
Ang Japan naman ay nasa ika-26 posisyon na habang ika-28 ang Lebanon.
Laglag sa No. 29 ang China.
- Latest