Ramdam ko na matagal ng asam ni coach Tim Cone ang pagkakataon na ito — isa pang tsansa na manalo sa Asian level pagkatapos ng bronze-medal finish sa Asian Games sa Bangkok, Thailand noong 1998.
Nabanggit niya sa isang maliit na umpukan noon: “I would love another shot.”
Kaya naman nang alukin, last minute, na hawakan din ang Team Philippines sa 2019 SEA Games sa harap ng ating mga kababayan, hindi naging mahirap ang kanyang desisyon na tanggapin ang trabaho.
Unang-una, wala na siyang kailangan pang habulin sa PBA.
Napanalunan na niya ang lahat, at mukhang wala nang makakapantay pa sa kanyang record haul na 25 titles, kasama ang dalawang grand slam feats.
Mayroon siyang Jones Cup championship noong 1998 at siyempre, fresh pa ang aroma ng kanyang PBA Commissioner’s Cup title run na nakumpleto sa pagtepok nila sa Bay Area Dragons sa finals.
Pero siyempre, ibang level ang Asian Games o FIBA Asian Championship.
Mas kikinang ang lugar ni Cone sa Philippine basketball history kung mapapanalunan niya ito para sa bansa.
Kahapon pa nagsimula ang kanilang training.
Kung sasakyan ang kahit na anong momentum na nakuha sa katatapos na FIBA World Cup, ramdam kong may tsansa si Cone at ang Gilas na mapanalunan ang Hangzhou Asiad sa Oktubre.