MANILA, Philippines — Napigilan ng College of Saint Benilde ang matikas na kamada ng University of the East upang itarak ang 23-25, 25-22, 29-27, 25-18 panalo kahapon sa V-League Women’s Collegiate Challenge sa Paco Arena sa Manila.
Ramdam na ramdam ang lakas ni Gayle Pascual na nagpako ng 23 puntos kabilang na ang mga krusyal na atake sa third set para pamunuan ang Lady Blazers sa panalo.
Nakatulong ni Pascual si Jade Gentapa na solido rin ang laro bitbit ang 20 puntos upang makuha ng Benilde ang ikaapat na panalo sa limang laro.
Magandang resbak ito para sa Lady Blazers na lumasap ng unang kabiguan sa kamay ng Far Eastern University sa kanilang huling laro noong Biyernes.
Umani naman ng unang pagkatalo ang Lady Warriors para mahulog sa 5-1 baraha.
“We prepared more on the mental side. Kundisyon naman ‘yung katawan nila eh, so ‘yung mindset talaga,” pahayag ni Lady Blazers assistant coach Jay Chua.
Matapos ang pukpukang first at second sets, umarangkada ng husto ang Lady Blazers sa third frame sa likod ni Pascual na siyang kumana ng mga importanteng puntos para makuha ang panalo.
Nasayang ang eksplosibong laro ni Caseiy Dongallo na humataw ng 32 puntos at walong digs para sa Lady Warriors.
Naglista naman si KC Cepedang 15 markers para sa Recto-based squad.
Samantala, inangkin ng University of Perpetual Help System DALTA ang huling semifinals berth matapos talunin ang Mapua University, 16-25, 25-18, 25-18, 39-37.
Tinapos ng Lady Altas ang Lady Cardinals sa loob ng dalawang oras para sa kanilang 4-2 record.