MANILA, Philippines — Nagsaya ang mga dehadista matapos manalo ng Basket Of Gold sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Kumaripas sa largahan ang Runaway Ten at Gethsermanesmiracle at maglutsahan na parang nagbibigayan sa unahan habang nasa malayong tersero ang Basket Of Gold.
Dahil sa tagisan ng bilis ay lumayo sa unahan ang Runaway Ten at Gethsermanesmiracle kaya naman nakalamang sila ng pitong kabayong agwat sa terserong Basket Of Gold.
Pagdating ng far turn ay lumalapit na sa unahan ang Basket Of Gold na sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee na si Jonathan Basco Hernandez.
Pagsapit ng huling kurbada nakakapit na ang Basket Of Gold sa Runaway Ten at Gethsermanesmiracle at sa huling 100 metro ng karera ay umungos na ang winning horse.
Tinawid ng Basket Of Gold ang finish line ng may dalawang kabayong agwat sa pumangalawang Nards Bentetres, tersero ang Melania habang pumang-apat ang Nicole’s Favorite.
Nilista ng Basket Of Gold ang tiyempong 1:26.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si PKTC Uy ang P10,000 added prize.