3 Pinay powerlifters sasalang sa Asian Para Games

MANILA, Philippines — Dumagdag sina Pinay para powerlifters Marydol Pamatian, Achelle Guion at Adeline Dumapong-Ancheta sa delegasyon ng Pilipinas na isasabak sa darating na 4th Asian Para Games sa Hangzhou, China.

Bubuhat si Pamatian sa women’s 41 kilogram habang sasalang si Guion sa 45kg at si Dumapong-Ancheta sa 86kg.

Nakatakda ang Asian Para Games sa Oktubre 22-28 matapos ang 19th Asian Games sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8.

Nagmula si Guion sa pagsungkit sa dalawang gold medals sa nakaraang 2023 World Para Powerlifting Championships sa Dubai, UAE.

Noong 2018 edition sa Jakarta ay nag-uwi ang mga national para powerlifters ng isang silver at isang bronze mula kina Guion at Dumapong-Ancheta, ayon sa pagkakasunod.

Kabuuang 10 golds, 8 silvers at 11 bronzes ang nakolekta ng Team Philippines sa nasabing edisyon.

Sa nasabing 10 ginto ay apat ang nagmula kay chess player Sander Severino sa kanyang mga panalo sa men’s individual standard Class P1 at individual standard Class P1 at bahagi ng men’s team standard Class P1 at men’s team rapid Class P1.

Tatlong ginto naman ang nilangoy ni para swimmer Ernie Gawilan sa men’s 400m freestyle S7 (6-7), 100m backstroke S7 at men’s 200m Individual Medley SM7.

Unang idinaos ang Asian Para Games noong 2010 sa Guangzhou, China kasunod sa Incheon, South Korea (2014) at sa Jakarta, Indonesia (2018).

Show comments