Gilas iiwas masibak sa World Cup
MANILA, Philippines — Dalawang bagay lamang ang dapat gawin ng World No. 40 Gilas Pilipinas para sa tsansang makaabante sa second round ng 2023 FIBA World Cup.
Ito ay ang talunin ang No. 10 Italy ng 13 o higit pang puntos at ipanalangin na matalo ang No. 41 Angola laban sa No. 23 Dominican Republic sa Group A.
Sasagupain ng Nationals ang mga Italians nga-yong alas-8 ng gabi matapos ang salpukan ng mga Dominicans at Angolans sa alas-4 ng hapon sa huling laro sa group stage sa Smart Araneta Coliseum.
May 0-2 baraha ang Gilas Pilipinas matapos tumukod sa Dominican Republic, 81-87, at kumulapso sa Angola, 70-80, na naglagay sa kanila sa balag ng alanganin.
“It’s tough but we gotta get over it. We got games to play. That’s all we can do,” sabi ni Fil-Am guard Jordan Clarkson na naglista ng 21 points, 7 rebounds at 3 assists laban sa Angola.
Nagmula naman ang Italy sa 82-87 pagyukod sa Dominican Republic para sa kanilang 1-1 kartada kagaya ng Angola.
Sakaling magtabla ang Gilas, Italy at Angola sa 1-2 ay gagamitin ng FIBA ang tiebreaker para madetermina kung sino ang makakakuha sa ikalawang silya sa second round.
Ang mga Italians ay may +14 point difference at may -4 ang mga Angolans at may -10 ang Nationals.
Tinalo ng Italy ang Angola, 81-67, noong nakaraang Biyernes kaya malaki ang kanilang point differential advantage.
Muling sasandalan ni coach Chot Reyes sina six-time PBA MVP June Mar Fajardo, Roger Pogoy, 7-foot-3 Kai Sotto, 6’10 AJ Edu at Scottie Thompson.
Sa Smart Araneta Coliseum, kumamada si Carlik Jones ng 21 points, 5 assists, 2 rebounds at 1 steal para giyahan ang South Sudan (1-1) sa 89-69 paglampaso sa China (0-2) sa Group B.
Sa MOA Arena sa Pasay City, itinakas ng New Zealand (1-1) ang 95-87 overtime win kontra sa Jordan (0-2) sa Group C.
Sa Oinawa Arena sa Japan, inilista ng Cape Verde (1-1) ang una nilang panalo sa Group F matapos tangayin ang 81-75 tagumpay sa Venezuela (0-2).
- Latest