MANILA, Philippines — Daragsa ang sandamukal na Pinoy fans sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan para sa tangkang pagwasak sa gate attendance record ng FIBA World Cup.
Ito na ang araw na pinakahihintay ng lahat — ang opening day ng FIBA World Cup ngayong araw sa world-class venue na Philippine Arena.
Tiyak na susugurin ang Philippine Arena ng libu-libong supporters upang suportahan ang laban ng Gilas Pilipinas kontra sa Dominican Republic ngayong alas-8 ng gabi.
Optimistiko ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na mabubura ng Pilipinas ang dating rekord na 32,616 fans gate attendance na naitala noong 1994 FIBA World Cup finals sa Toronto, Canada.
May seating-capacity na 55,000 ang Philippine Arena. Makailang ulit nang nagawa ng PBA na punuin ang Philippine Arena sa mga laro nito.
Matatandaang umabot sa 54,589 fans ang nanood sa do-or-die game ng PBA Commissioner’s Cup finals noong 2022 sa parehong venue.
Kaya naman walang duda na kayang-kaya rin itong punuin sa laban ng Gilas Pilipinas at Dominican Republic.
“We’re really confident that we will surpass that. We want to achieve the 50,000 mark, at least,” ani SBP president Al Panlilio.
Nais ng SBP na mailagay ang Pilipinas sa kasaysayan ng FIBA World Cup na nagmamay-ari ng pinakamaraming fans na nanood sa venue.
Kung aabot sa mahigit 50,000 ang manonood, naniniwala si Panlilio na mahirap na itong mabura sa mga susunod na edisyon ng FIBA World Cup.