MANILA, Philippines — Humataw si Jelai Gajero ng 23 points para pamunuan ang University of the East sa 25-17, 25-18, 21-25, 25-16 paggupo sa Mapua University sa 2023 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena sa Manila.
Nag-ambag si Riza Nogale ng 14 markers at may 11 points si Keshia Famulagan para sa 2-0 baraha ng Lady Warriors na inilaglag ang Lady Cardinals sa 1-2 marka.
“I’m still waiting for that moment when we are all at the same page on the court,” ani coach Obet Vital, pumalit kay Jerry Yee, tungkol sa inilaro ng UE.
Pinamunuan ni Raisa Ricablanca ang Mapua sa kanyang 19 points.
Matapos kunin ng Lady Warriors ang 2-0 abante ay naagaw naman ng Lady Cardinals ang third set, 25-21.
Bumida naman si Gajero sa fourth frame tampok ang kanyang mga backrow kills para selyuhan ang panalo ng UE sa Mapua.
Samantala, tinalo ng Far Eastern University ang University of Perpetual Help System DALTA, 28-26, 17-25, 25-17, 25-13, para sa kanilang ikalawang dikit na ratsada.
Nagposte si Chenie Tagaod ng 16 points mula sa 12 attacks at game-high na apat na blocks at nagdagdag si Mitzi Panangin ng 12 markers para sa 2-0 record ng Lady Tams.