MANILA, Philippines — Sinorpresa ng Enderun Colleges ang dating NCAA champion San Sebastian College-Recoletos sa pamamagitan ng 21-25, 21-25, 25-16, 25-23, 15-12 desisyon para hablutin ang kanilang unang panalo sa V-League Women’s Collegiate Challenge na ginaganap sa Paco Arena sa Manila.
Nagtala si Erika Deloria ng 17 puntos kasama ang mga krusyal na puntos sa huling sandali ng laro para tulungan ang Lady Titans na mapataob ang Lady Stags.
“Nakita namin na kaya naman nila kasi first two sets leading na kami, hinabol lang nila. Sabi ko lang sa kanila, ipakita n’yo lang kung sino kayo,” ani Enderun head coach Dong Dela Cruz.
Nagdagdag naman si Althea Botor ng game-high 21 points habang kumana si Zen Peronilo ng 12 markers para sa Lady Titans.
Sumulong ang Enderun sa 1-1 marka matapos yumuko sa University of the East Lady Warriors noong Miyerkules.
Bumandera para sa dating NCAA champion Lady Stags si Tina Marasigan na may 19 attacks habang gumawa si Kat Santos ng 18 points.
Laglag sa 0-2 ang Lady Stags.
Sa ikalawang laro, nanaig ang Mapua University sa Lyceum of the Philippines University, 23-25, 25-19, 25-23, 22-25, 15-11, para umangat sa 1-1.
Nakalikom si middle blocker Nicole Ong ng 12 puntos mula sa walong attacks, tatlong blocks at isang ace.
Gaya ng Lady Stags, gumulong sa 0-2 ang Lady Pirates.