Lady Falcons dadagitin ang korona

Lucille Almonte at Alleiah Malaluan

MANILA, Philippines — Puntirya ng Adamson University na muling masawata ang reigning UAAP champion De La Salle University upang maipormalisa ang pagko­po sa kampeonato ng 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals.

Nakatakda ang Game Two sa pagitan ng Lady Falcons at Lady Spikers nga­yong alas-4 ng hapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.

Lalarga rin ang battle-for-third match ng Uni­ver­sity of Santo Tomas at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-2 ng hapon.

Bitbit ng Adamson ang 1-0 bentahe sa best-of-three championship se­ries matapos itarak ang 22-25, 25-17, 17-25, 27-25, 16-14 comeback win laban sa La Salle sa Game One.

Naging sandalan ng Lady Falcons sa naturang panalo si team captain Lucille Almonte na nagre­histro ng 24 points.

Nakakuha siya ng so­lidong suporta mula ki­na Ayesha Juegos, Lorene Toring at Sharya An­cheta gayundin kay super rookie Red Bascon na umiskor ng dalawang huling puntos ng Lady Falcons para makuha ang come-from-behind win.

“Kailangang gustuhin natin na laging manalo. When it comes na tatapak kami sa loob ng court at maglalaro lang kami na La Salle ang kalaban natin, kakainin tayo ng bu­hay ng La Salle,” sabi ni Adamson head coach JP Yude.

Ngunit hindi basta-basta susuko ang La Salle na malalim na ang kara­na­san sa mga finals series.

Kailangang kumayod nang husto ng Lady Spi­kers sa pangunguna ni opposite spiker Shevana Laput na bumanat ng 30 points sa series opener.

Hahataw din sina middle blocker Thea Gagate at outside hitter Alleiah Malaluan para maipu­wer­sa ng La Salle ang rubber match.

“Everybody gave their all but there’s always room for improvement for all of us. It’s a lesson to work harder and play smarter. Obviously, (with) the winner and positive mindset, I know we can do this but it is (about) putting into work and the effort,” ani Laput.

Kailangan ding bawa­san ng Lady Spikers ang errors nito matapos ma­ka­gawa ng 33 sa Game One.

 

Show comments