Thompson nakamit ang isa pang pangarap
MANILA, Philippines — Habang nagpapagaling pa bago sumali ulit sa ensayo ng Gilas Pilipinas ay nakapagtapos na si Scottie Thompson sa kanyang pag-aaral sa University of Perpetual Help System Dalta.
Kasama ang 671 na iba pang graduates, natanggap na sa wakas ni Thompson ang kanyang diploma sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Marketing Management sa graduation ceremony ng Perpetual nitong Miyerkules sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay.
Ito ang pinakabagong achievement sa karera ni Thompson matapos naunang i-retiro ng Altas ang kanyang jersey No. 6.
Bukod sa diploma, pinarangalan din si Thompson sa Perpetual graduation ng Dr/BGen Antonio Laperal Tamayo Leadership Plaque for Sports and Athletics award mula kay UPHSD President Dr. Anthony Tamayo, Vice Chair Dr. Daisy Moran Tamayo, Executive Vice President Marjorie Gutierrez-Tangog at Dr. Arnaldo De Guzman, UPH-Las Piñas City campus school director.
Dumalo ang 30-anyos na player sa Perpetual graduation kahit nagpapagaling pa sa kanyang right hand injury (metacarpal fracture) na dahilan ng hindi niya muna pagsali sa ensayo ng Gilas Pilipinas para sa 2023 FIBA World Cup.
Si Thompson ang maituturing na pinakamagaling na produkto ng Perpetual basketball program buhat nang magsimula siyang mag-aral at maglaro sa Altas noong 2011.
- Latest