MANILA, Philippines — Hindi lang Rain or Shine ang babandera sa bansa sa pagbabalik ng William Jones Cup dahil palaban din ang Gilas Pilipinas women sa pangunguna ng batikang player na si Jack Animam.
Ayon sa final roster na inilabas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, bida ulit si Animam sa Filipina ballers kasama ang kapwa beterano na si Afril Bernardino.
Sina Animam at Bernardino ang bumandera sa pares ng silver medals ng Gilas sa 3x3 at 5-on-5 events ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia pati na sa makasaysayang sixth place finish nila sa 2023 FIBA Women’s Asia Cup Division A.
Swak din sa koponan ni head coach at program director Pat Aquino ang iba pang beteranong sina Janine Pontejos, Andrea Tongco, Sofia Roman, Jhazmin Joson, Louna Ozar, Monique Del Carmen, Stefanie Berberabe at Gabi Bade.
Sasalang naman sa kanilang national team debut sina Kacey Dela Rosa ng Ateneo at Malia Bambrick ng Pepperdine University.
Wala muna sa Gilas ngayon ang Duke point guard na si Vanessa de Jesus pati na ang ibang key players na sina Ella Fajardo, Camille Clarin, Angel Surada, Khate Castillo, France Cabinbin, at Trina Guytingco.
Mauunang sasabak ang Gilas women sa Jones Cup kontra Chiense Taipei A at B, Japan at Korea sa women’s division sa Agosto 5 hanggang 9.
Sunod na lalaban para sa bayan sa Agosto 12 hanggang 20 sa men’s division ang Elasto Painters sa tulong ni Ange Kouame ng naturalized player ng Gilas men’s team.