MANILA, Philippines — Hindi binigo ng top favorite na Jaguar ang mga liyamadista matapos sikwatin ang korona sa 2023 PHILRACOM “3rd Leg Triple Crown Series na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas, Linggo ng hapon.
Naka-dalawang legs ang Jaguar, nasungkit din nito ang panalo sa second leg kung saan parehong si star jockey Jeffril Zarate ang naging hinete.
Lumarga na pang-apat sa puwesto ang Jaguar para manood ng bakbakan sa unahan hanggang sa kalagitnaan ng karera habang nasa pang-anim ang mahigpit na karibal na si first leg winner La Trouppei.
Patuloy ang tagisan ng bilis sa unahan ang Secretary at Boat Buying habang nasa tersero si Istulen Ola subalit papasok ng far turn ay kumakapit na ang La Trouppei at Jaguar sa unahan.
Nanggulat ang La Trouppei at inungusan niya sa pagremate ang Jaguar pero hindi ito pinalayo ng winning horse.
Papalapit ng huling kurbada ay inagaw na ng Jaguar ang unahan at umabot sa anim na kabayo ang lamang nito sa rektahan sa nauupos na La Trouppei.
Walang kahirap-hirap na tinawid ng Jaguar ang meta ng may walong kabayong agwat sa pumangalawang Earli Boating.
Nilista ng Jaguar ang 2:05 minuto sa 2,000 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Cong. Juan Miguel “Mikey” Macapagal Arroyo ang P2.1M premyo.
Binulsa ng Earli Boating ang P787,500, tu-mersero ang Istulen Ola na kumubra ng P437,500.