MANILA, Philippines — Tinawag ni Fil-American guard Ava Fajardo na ‘redemption tour’ ang kampanya ng Gilas Pilipinas Girls sa FIBA U16 Women’s Asian Championship Division B sa Amman, Jordan.
Kinapos kasi ang mga Pinay dribblers noong nakaraang taon matapos yumukod sa Samoa sa semifinal round at nahulog sa ikatlong puwesto.
Dahil dito ay bigo silang ma-promote sa Division A ng FIBA U16 Women.
“We are fortunate to be given another shot at this and build upon our experience last year. We will make sure to handle our business,” sabi ng nakababatang kapatid ni Gilas Women standout Ella Fajardo.
Umabante ang Gilas Girls sa semis kung saan nila nakatakdang labanan ang Malaysia kagabi para sa isang finals berth.
Sa nakaraang edisyon ng torneo natalo ang mga Pinay cagers sa mga Samoans, 73-88, na pumangatlo lamang sa Group A sa pool stage.
“I believe offensively we were not hitting our usual shots, and we did not adjust our defense accordingly to make up for it,” pagbabalik-tanaw ng 15-anyos na si Fajardo.
Ngayon ay nabigyan sila ng pagkakataon na makabawi para sa promosyon sa Division A.
Ang tubong New Jersey, USA na si Fajardo ang muling sasandigan ng Gilas Girls mula sa kanyang tournament fourth-best na 16.3 points bukod sa 6.3 rebounds, 4.3 assists at 2.3 steals.
“Everyone on this team can play. We trust and motivate each other,” pahayag pa ni Fajardo.