TNT 3x3 team pinaglaro sa PBA On Tour

MANILA, Philippines — Mula sa paglalaro sa PBA 3x3 tournament ay hiniram ni TNT Triple Giga coach Jojo Lastimosa sina Almond Vosotros, Lervin Flores, Ping Exciminiano at Gryann Mendoza para sa kanilang kampanya sa PBA On Tour.

Ngunit nabigo pa rin ang Triple Giga sa Rain or Shine Elasto Painters, 100-106, noong Miyerkules sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Hindi naglalaro sa preseason ang mga star pla­yers ng TNT para ma­kaiwas sa injury at paghandaan ang 2023 PBA Commissioner’s Cup sa Oktubre.

Kaya pansamantalang hinugot ng Triple Giga sina Vosotros, Flores, Exciminiano at Mendoza mula sa kanilang 3x3 team.

“Hindi pa kami nakakapag-ensayo talaga sa 5-on-5,” wika ni Vosotros na gumiya sa TNT 3x3 squad sa Grand Slam sa Season 2. “So just before the game lang kami tinuruan ni (assistant) coach Sandy (Arespacochaga) ng mga plays.”

Tumapos si Vosotros, ang PBA 3x3 long-time scoring champion, na may 11 points, tampok ang tatlong dikit na three-point shots sa fourth period habang may 6, 4 at 3 markers sina Exciminiano, Flores at Mendoza, ayon sa pagkakasunod.

Hindi pa nananalo ang TNT sa pitong laro sa PBA On Tour.

Sunod na lalabanan ng TNT ang Phoenix sa Hul­yo 19 na inaasahang lalahukan ulit nina Vosotros, Flores, Exciminiano at Mendoza.

Show comments