Gazz Angels lusot sa Foxies
MANILA, Philippines — Pumalo si Grethcel Soltones ng 16 points para igiya ang Petro Gazz sa 25-21, 31-29, 25-17 pagdaig sa Farm Fresh sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagdagdag si Aiza Pontillas ng 15 markers para sa ikalawang sunod na panalo ng Gazz Angels sa tatlong laro sa Pool B at palakasin ang tsansa sa semifinals.
Laglag naman ang Foxies sa 0-3 at nakahugot kay Gayle Pascual ng 11 points.
Ang malaking 21 errors sa first at second set ang ikinadismaya ni coach Oliver Almadro sa kanyang Petro Gazz kung saan naagaw ng Farm Fresh ang 29-28 abante sa dulo ng second frame.
“They lost their timing because of their willingness and eagerness to make a point – and win – right away,” ani Almadro sa kanyang Gazz Angels. “But I’m happy how they performed overall.”
Ginamit ng tropa ni Almadro ang matibay na depensa para biguin ang dalawang beses na atake ni Kate Santiago sa panig ng Foxies para selyuhan ang panalo sa second set.
“We struggled in the first 2 sets because of our errors,” wika ni Soltones.
Nag-ambag si Nicole Tiamzon ng walong puntos habang may tig-anim na marka sina Remy Palma at Kecelyn Galdones na pumalit kay Fil-Am MJ Phillips na maglalaro sa Korean league.
Nagpakawala ang Petro Gazz ng 53 attack points kumpara sa 29 ng Foxies bukod sa pitong blocks at limang aces.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Cignal HD ang Foton, 25-10, 25-16, 25-22, para sa kanilang 2-1 kartada at sumosyo sa Petro Gazz sa ikalawang puwesto sa Pool B.
Sinandigan ng HD Spikers ni coach Shaq delos Santos sina Ces Molina, Jovelyn Gonzaga at Roselyn Doria na may pinagsamang 40 points para sa pag-asang makapasok sa semis.
Ito naman ang ikatlong dikit na kamalasan ng Tornadoes.
- Latest