MANILA, Philippines – Sasalang ang 440 swimmers mula sa 66 swimming clubs sa national tryouts Luzon qualifying para sa Southeast Asia Age Group Championship sa Hulyo 7-9 sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Malate, Manila.
Ang 5th place winning time sa nakaraang SEA Age-Group tournament na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia ang gagamiting qualifying standard time sa lahat ng events.
“During our meeting, PSI (Philippine Swimming Inc.) Secretary General Rep. Eric Buhain suggested na iyong 5th place time ang gamitin nating qualifying time standard para mas mabigyan natin ng chance ang mga bata na alam naman nating karamihan ay hindi nakapag-participate sa ganitong tryouts before,” ani event organizer at coach Chito Rivera.
Ang mga swimmers na hindi nakapasa sa qualifying standard time ay may pagkakataon pang bumawi sa mga national tryouts sa Luzon at Visayas sa Hulyo 21-23 sa Ilocos Norte at Dumaguete City.
Ang Mindanao leg ay nakatakda naman sa Hulyo 22-23.
Sinabi ni Buhain, isang Olympian at Philippine Sports Hall of Famer, na bukod sa sinimulang reorganisasyon sa PSI ay binibigyan prayoridad ng bagong liderato sa pamumuno ni Miko Vargas ang grassroots program hindi lamang sa regular swimming bagkus sa iba pang sports na nasa ilalim ng aquatics.
“We’re not just looking after the welfare of athletes in the regular swimming, but also kasama sa ating responsibilidad ang mga atleta sa diving, water polo, artistic swimming, gayundin ang open water,” sabi ng Batangas 1st District Representative.
Target ng PSI na magtatag ng hiwa-hiwalay na regional offices para sa naturang mga sports upang mabigyan ng kaukulang pansin.
“Kailangang palakasin natin hindi lang ang swimming kundi ang diving, water polo at iba pang sports under sa aquatics. Hindi ito masyadong nabigyan ng pansin but this time kasama yan sa priority list natin,” dagdag nito.