MANILA, Philippines — Nasolo ng Choco Mucho ang liderato sa Group B matapos itarak ang 25-19, 25-19, 25-14 panalo laban sa Foton sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Isang solidong atake ang pinakawalan ni outside hitter Sisi Rondina sa huling sandali ng laro upang matamis na tapusin ng Flying Titans ang laban
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Choco Mucho para manatiling malinis ang rekord nito.
Wala pa ring panalo ang Tornadoes na nahulog sa 0-2 baraha.
Sa unang laro, matikas ang simula ng PLDT Home Fibr matapos ilampaso ang Akari Chargers, 25-15, 25-19, 25-22, upang makuha ang buwenamanong panalo sa Group A.
Nanguna sa mainit na ratsada ng High Speed Hitters si middle blocker Dell Palomata na humataw ng 14 puntos mula sa 10 attacks, tatlong blocks at isang ace.
Solido rin ang laro ni outside hitter Jovielyn Prado na humataw ng 13 markers kasama ang 22 digs habang nagdagdag si Michelle Morente ng 11 puntos tampok ang tatlong aces.
“We’re very happy we were able to start with a win. May mga aayusin pa, and we will prepare this VNL break,” ani PLDT head coach Rald Ricafort.
Hindi naglaro sina ace hitter Mean Mendez at top middle Mika Reyes na parehong nagpapagaling sa injury.
Ngunit hindi naramdaman ang pagkawala ng dalawa dahil sa bagong recruit nitong si Honey Royse Tubino na gumawa ng walong puntos.
“Sobrang excited to play at lahat naman ng teammates very supportive, kaya konting adjustment, konting gelling na lang,” ani Tubino.
Lamang ang High Speed Hitters sa Power Chargers sa attacks, 48-34, at sa aces, 6-1.