Gilas Women olats sa New Zealand
MANILA, Philippines — Tumindig at pumalag ang Gilas Pilipinas kontra sa paboritong New Zealand subalit tumiklop sa dulo tungo sa dikit na 78-83 kabiguan sa agawan sa semifinals spot sa 2023 FIBA Women’s Asia Cup Division A kahapon sa Quaycentre sa Sydney, Australia.
Nakuha pang lumamang ng mga Pinay ng hanggang sa limang punto sa ikatlong kanto at nakatabla pa sa kalagitnaan ng fourth quarter bago naubusan ng gasolina upang kapusin sa tangkang masikwat ang una nitong Final Four finish sa Asia Cup.
Napurnada ang all-around performance ni Afril Berdino na 15 points, 8 rebounds, 2 assists, 2 steals at 2 blocks, habang may 14 points at 11 rebounds si Jack Animam.
Pumukol din ng 15 points si Jhazmin Joson, ngunit natameme ang ace guard na si Vanessa de Jesus sa 4 markers lamang matapos umariba ng 25 points kontra sa Chinese Taipei.
Kinaldag ng Gilas ang Chinese Taipei sa group phase kamakalawa, 92-81, upang makaabante sa playoffs at makaiwas sa relegation match sa unang pagkakataon buhat nang ma-promote sa Division A noong 2015.
Kontra sa New Zealand para sa isa pa sanang kasaysayan ay hindi nagpasindak ang Gilas nang burahin ang maagang 18-28 deficit upang makalapit sa 41-45 sa halftime.
Binulaga ng mga Pinay ang mga Kiwis sa paglarga ng third period sakay ng 9-0 ratsada upang agawin ang bentahe sa 50-45.
Hanggang sa huling anim na minuto ng fourth quarter ay tabla pa ang Gilas at New Zealand bago nag-init si Charlisse Leger-Walker patungo sa kanyang 34 points.
Haharapin ng New Zealand ang Japan sa semis, habang China kontra sa Australia o South Korea naman sa isang bracket.
Ang matatalo sa Australia-South Korea ang babangga sa Gilas para sa 5th-6th classification na magiging pinakamataas na Asia Cup finish ng Gilas.
Samantala, lumusot ang Lebanon sa Chinese Taipei, 75-73, sa relegation match para sa karapatang manatili sa Division A. Laglag sa Division B ang Taipei.
- Latest