MANILA, Philippines — Pilit na ibabalik ni Pinoy challenger Jade Bornea sa Pilipinas ang International Boxing Federation (IBF) super flyweight crown sa paghahamon kay Argentinian champion Fernando Martinez.
Magtutuos ang 28-anyos na si Bornea at ang 31-anyos na si Martinez ngayong umaga (Manila time) sa The Armory sa Minnesota.
Dadalhin ng tubong General Santos City sa ibabaw ng boxing ring ang kanyang malinis na 18-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 knockouts.
Bitbit naman ni Martinez ang 15-0-0 (8 KOs) card para sa kanyang ikalawang sunod na pagdedepensa sa suot na IBF super flyweight belt.
Ang nasabing titulo ay inagaw ni Martinez kay Jerwin Ancajas noong Pebrero ng nakaraang taon.
Muling tinalo ni Martinez ang tubong Panabo City, Davao del Norte sa kanilang rematch noong Oktubre.
“For me, this is the most important fight of my career,” sabi ni Bornea na igaganti rin si Ancajas.
Tiniyak naman ni Martinez na hindi niya isusuko ang hawak na korona kay Bornea.
“He’s going to have to lay it all out in the ring to win that belt,” wika ng Argentinian titlist.
Lalabanan ni Ancajas (33-3-2, 22 KOs) si Wilner Soto (22-12-0, 12 KOs) sa isang eight-round, non-title super bantamweight fight.