San Beda vs La Salle sa finals
MANILA, Philippines — Sinakmal ng Marinerong Pilipino-San Beda ang karibal na Wangs Basketball-Letran, 79-65, sa ‘do-or-die’ Game Three ng kanilang semifinals series para umabante sa 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup Finals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagninging si James Payosing sa kanyang 23 points, 9 rebounds at 3 assists sahog pa ang perpektong 4-of-4 shooting sa three-point range para sa Red Lions.
“Hindi nag-relax iyong mga players. Sabi ko lang sa kanila, don’t stop playing for 48 minutes at inilagay nila iyon sa puso nila,” wika ni coach Yuri Escueta.
Tampok ang pambaong tres ni Payosing sa fourth quarter upang tuldukuan ang 10-0 ratsada ng San Beda, 71-52, patungo sa kumbinsidong tagumpay.
Makakaharap ng San Beda, primera noong elims, ang segunda at reigning champion na EcoOil-La Salle sa best-of-three finals simula sa Huwebes sa parehong venue.
Sumuporta kay Payosing sina Damie Cuntapay at Yukien Andrada na may 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Red Lions na sumakay sa 10-0 kartada at hindi na lumingon pa.
Napurnada ang 19 points in Kurt Reyson para sa Knights, habang naunsyami din ang 13 at 10 markers nina Vince Cuajao at Neil Guarino, ayon sa pagkakasunod.
- Latest