Isa na lang sa Denver
MIAMI - Umiskor si Aaron Gordon ng 27 points habang may 23 markers si Nikola Jokic para banderahan ang Denver Nuggets sa 108-95 paggupo sa Heat at ilista ang 3-1 lead sa NBA Finals.
Isang panalo na lang ang kailangan ng Denver para makamit ang kauna-unahan nilang NBA crown matapos ang 47 taon.
Maaari nang tapusin ng tropa ni coach Michael Malone ang best-of-seven championship series nila ng Miami sa Game Five sa Martes (Manila time).
“We haven’t done a damn thing yet,” sabi ni Malone na nakahugot kay Bruce Brown ng 21 points mula sa bench “We have to win another game to be world champions.”
Tumapos naman si Jamal Murray na may 15 points at 12 assists.
Kumamada si Jimmy Butler ng 25 points sa panig ng Heat na muling nahulog sa 1-3 butas sa huli nilang tatlong finals appearances matapos noong 2014 at 2020.
“Now we’re in a must-win situation, every single game — which we’re capable of,” wika ni Butler. “It’s not impossible.”
Humakot si Bam Adebayo ng 20 points at 11 rebounds habang may 13 markers si Kyle Lowry.
Paborito nang manalo ang Denver dahil sa kanilang pagiging Western Conference No. 1 seed habang No. 8 ang Miami sa Eastern Conference.
Tinalo rin ng Nuggets ang Heat sa siyam sa kanilang 10 regular-season meetings.
Bitbit ng Denver ang 13-point lead papasok sa fourth period kung saan natawagan si Jokic ng kanyang fifth foul sa 9:24 minuto nito, samantalang nakalapit ang Miami sa 81-86 matapos ang three-point play ni Butler sa 8:42 minuto.
Ang dalawang sunod na triple nina Murray at Jeff Green ang muling naglayo sa Nuggets 94-85 sa 6:21 minuto kasunod ang pagbibida ni Brown para pigilan ang pagdikit ng Heat.
- Latest