MANILA, Philippines — Ang pang-limang sunod na panalo para makubra ang outright semifinals ticket ang hangad ng Marinerong Pilipino-San Beda kontra sa Centro Escolar University sa 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup sa FilOil Center sa San Juan City.
Ngayong alas-2 ng hapon magkikita ang Red Lions at Scorpions kasunod ang banggaan ng Wangs Basketball-Letran Knights at University of Perpetual Help System Dalta Altas sa alas-4.
Magkasosyo sa liderato ang Marinero-San Beda at EcoOil-La Salle sa magkatulad nilang 4-1 kartada habang nasa ilalim ang Perpetual (3-2), CEU (3-2), Wangs-Letran (2-2), PSP (2-4) at ang talsik nang AMA Online (0-6).
Sumasakay ang Red Lions sa isang four-game winning streak kasama ang 119-70 pagmasaker sa Titans noong Mayo 18.
“Finishing in the Top Two would be nice but as much as possible, we want to take it one game at a time,” wika ni head coach Yuri Escueta
Nanggaling naman ang Scorpions sa 109-107 double overtime win sa Gymers para sumilip ng tsansa sa semis ng seven-team conference.
Sasandal ang Marinero-San Beda kina James Payosing, Gavril Tagala, Damie Cuntapay, Clifford Jopia, Jacob Cortez at Emmanuel Tagle laban kina Ron Rei Tolentino, Franz Ray Diaz, Jerome Santos, Ayodeji Victor Balogun at Mark Anthony Anagbogu ng CEU.
Sa ikalawang laro, dalawang sunod na panalo ang tinuhog ng Knights kasama ang 71-57 paggupo sa Titans habang sinuwag ng Altas ang Scorpions, 93-72, sa huli nilang mga laro.