White itinabla ang Boston sa Miami

Ang pagdiriwang ni Derrick White at ng Celtics matapos itakas ang 104-103 panalo laban sa Heat sa Game 6 ng kanilang Eastern Conference finals series.
STAR / File

MIAMI -- Isinalpak ni Derrick White ang isang putback sa huling 0.1 se­gundo para sa dramatikong 104-103 pagtakas ng Boston Celtics sa Heat sa Game Six at itabla sa 3-3 ang kanilang Eastern Conference finals series.

Tumapos si White na may 11 points kasama ang tatlong triples.

“I was just happy,” wika ni White na bumida rin sa Game Five. “Season was on the line. We don’t want to go home.”

Humataw si Jayson Ta­tum ng 31 points at may 26 at 21 mar­kers sina Jaylen Brown at Marcus Smart, ayon sa pagkaka­su­nod, sa paghirit ng Boston sa Miami ng Game Seven bukas sa ka­nilang balwarte.

“Derrick White, like a flash of lightning, just came out of nowhere and saved the day, man,” sabi ni Brown. “An incredible play.”

Ang Celtics ang ika­apat na NBA team na na­kabangon mula sa 0-3 butas ng isang best-of-seven series at pumuwer­sa ng deciding game.

Ang tatlong nauna ay ang 1951 New York Knicks sa NBA Finals, ang 1994 Denver Nuggets sa second round at ang 2003 Portland Trail Blazers sa first round.

Ngunit natalo rin sila sa Game Seven.

Ang mananalo sa du­we­lo ng Cel­tics at Heat ang sasagupa sa Western Conference champion na Denver Nuggets sa NBA Finals na magsisimula sa Hunyo 1.

Ipinasok ni Jimmy Butler ang tatlong free throws sa huling 3.0 segundo ng fourth quarter para ibigay sa Miami ang one-point lead.

Naimintis naman ni Smart ang kanyang 3-pointer, ngunit nakuha ni White ang rebound para sa kanyang putback sa pagtunog ng final buzzer na naglusot sa Boston.

Tumapos si Butler na may 24 points kasunod ang 21 markers ni Caleb Martin para sa Heat na hangad maging ikalawang No. 8 seed na umabate sa NBA Finals.

Naipanalo naman ng Celtics ang lima sa anim nilang East finals games sa Miami, kasama rito ang Game Seven laban sa Heat noong nakaraang season papasok sa NBA Finals.

Ang Heat ang ika-151 koponan na kumuha ng 3-0 series lead.

Naipanalo ng lahat ng 150 teams ang serye.

Show comments