MANILA, Philippines — Kasabay ng pagbabalik ng guest team na Bay Area Dragons sa PBA ay ang pagdaraos ng ilang 2023 Commissioners’ Cup games sa Macau.
Ayon kay PBA Board of Governors chairman Ricky Vargas ng TNT Tropang Giga, hiniling ng Macau-based team na makalaban ang mga PBA teams sa kanilang homecourt matapos sumalang sa nakaraang 2022 PBA Commissioner’s Cup.
Hindi pa ito pinal ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial subalit maaari itoong matuloy tampok ang anim na PBA teams.
Magkakaroon ng laro ang Bay Area kontra sa mga PBA teams na idaraos kada Sabado sa Macau tulad ng PBA out-of-town games sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nauna nang inihayag ng PBA ang pagbabalik ng Bay Area sa gabay ni coach Brian Goorjian sa ikalawang sunod na conference matapos ang makasaysayang stint bilang guest team.
Umabot sa 2022 Commissioner’s Cup Finals ang Dragons subalit kinapos sa nagkampeong Barangay Ginebra sa Game Seven, 114-99, sa harap ng 54, 589 fans sa Philippine Arena bilang bagong PBA record.
Ipinarada ng Dragons ang dalawang imports na sina Myles Powell at Andrew Nicholson subalit inaasahang sasandal na lang kay Nicholson ayon sa one-import na may height limit na 6-foot-9 sa Commissioner’s Cup.
Taliwas sa tradisyon ay unang isasalang ng PBA ang Commissioner’s Cup imbes na ang centerpiece na Philippine Cup upang buksan ang Season 48 sa Oktubre pagkatapos ng 2023 FIBA World Cup at Asian Games.
Ito ay para makatulong sa kampanya ng Commissioner’s Cup champion Ginebra at Governors’ Cup champion ng TNT sa East Asia Super League (EASL) tampok ang tig-dalawang imports sa Oktubre rin bilang kinatawan ng Pilipinas.
Naglaro ang San Miguel at runner-up TNT sa nakaraang EASL Champions Week.