Team Philippines no. 5 pa rin
MANILA, Philippines — Isang 19-anyos na lady weightlifter ang bumandera sa kinolektang limang gold medals ng Team Philippines sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia kahapon.
Binuhat ni Vanessa Sarno ang gold sa women’s 71kg tampok ang bagong SEA Games record na 105 kilograms sa snatch para maidepensa ang kanyang korona.
Ipinoste rin ng tubong Bohol ang 120kg sa clean and jerk at total lift na 225kg para duplikahin ang naunang panalo ni Tokyo Olympian Elreen Ando sa women’s 59kg.
Nag-ambag ng dalawang ginto sina arnisador Ma. Ella Alcoseba (women’s full contact live stick/bantamweight) at Dexler Bolambao (men’s full contact live stick/bantamweight) at tig-isa sina kickboxer Jean Claude Saclag (men’s lowkick 63kg) at wrestling playing coach Tina Vergara (women’s freestyle -65kg).
Ang anak ng 45-anyos na si Vergara na si Cathlyn ay may tanso sa women’s freestyle 59kg.
Patuloy ang pagkapit ng Pilipinas sa No. 5 spot sa medal standings sa nakolektang 51 golds, 76 silvers at 102 bronzes habang mayroon nang 119-96-97 medals ang nangungunang Vietnam.
Samantala, inangkin ng Gilas Pilipinas women’s team ang silver matapos paluhurin ang Malaysia, 77-63 habang isinubi ng Indonesia ang gold sa 6-0 sweep sa torneo.
Nagkasya rin sa silver ang Gilas Pilipinas women’s 3x3 squad at bigo ring madepensahan ang korona kagaya ng 5x5 team.
Binanderahan ni naturalized player Justin Brownlee ang Gilas Pilipinas sa dulo ng fourth period para sa 84-76 pagresbak sa Indonesia papasok sa men’s basketball finals.
Lalabanan ng Gilas para sa gold ang Cambodia na tumalo sa kanila, 79-68, sa group-stage.
Nag-ambag ng silver sina kickboxers Renalyn Dacquel (women’s full contact -48kg) at Fitzchel Martine Fermato (women’s light contact 50kg) at arnisador Jude Oliver Marie Rodriguez (women’s 50-55kg).
Kumolekta ng bronze sina fencers Samantha Catantan, Janna Catantan, Maricar Matienzo at Justine Tinio (women’s foil team) at Jian Bautista, Rex Dela Cruz, Lee Ergina at Noelito Jose (men’s epee team), kickboxer Lance Villamer (men’s 63kg kicklight) at sina sepak takraw players Jason Huerte, Rheyjey Ortouste at Elly Jan Nituda (men’s doubles).
Nakatanso rin sina judoka Daryl John Mercado (men’s -55kg) at mga arnisador na sina Noah Gonzalez (men’s full contact padded stick/lightweight), Ezekyl Habig (men’s full contact padded stick/bantamweight) at Niño Mark Talledo (men’s 60-65kg).