Barbosa bumandera sa 6 ginto ng pinas
MANILA, Philippines — Pinamunuan ni Tokyo Olympian Kurt Barbosa ang six-gold harvest ng Team Philippines sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia kahapon.
Pinagharian ni Barbosa ang men’s -54kg ng taekwondo competition kasunod ang mga panalo nina Arven Alcantara (men’s -68kg), Samuel Morrison (men’s -87kg) at Kirstie Elaine Alora (women’s -73kg).
Tinalo naman ni boxer Ian Clark Bautista si Indonesian Asri Udin, 5-0, para pagharian ang men’s featherweight division at suntukin ang kanyang ikatlong sunod na SEA Games gold.
Giniba nina tennis players Ruben Gonzales at Francis Alcantara ang kanilang Indonesian rivals, 2-6, 7-5, 10-5, para hatawin ang ginto sa men’s doubles.
Ito ang ika-37 ginto ng Pilipinas bukod sa 64 pilak at 75 tansong medalya para maupo sa sixth spot sa medal standings na pinamumunuan ng Vietnam (83-76-85).
Minalas sina Olympian Irish Magno, two-time SEA Games champion Rogen Ladon at Riza Pasuit sa kani-kanilang mga boxing bouts para makuntento sa silver.
Bigo si Magno kay Jutamas Jitpong ng Thailand sa women’s bantamweight habang natalo si Ladon kay Tharanat Saengphet ng Thailand sa men’s flyweight at yumukod si Pasuit kay Vietnamese Thi Linh Ha sa women’s welterweight.
Bumakas ng pilak sina fencer Samuel Tranquilan (men’s foil individual), weightlifters Lovely Inan (women’s 49kg), Angeline Colonia (women’s 45kg) at John Ceniza (men’s 61kg).
May tanso sina billiards players Carlo Biado at Johann Chua (men’s 9-ball doubles) at gymnast Charmaine Dolar (women’s individual aerobic).
Sa basketball, inilampaso ng Gilas men’s team ang Singapore, 105-45 habang giniba ng Gilas Pilipinas women’s squad ang Vietnam, 116-58.
Kumpiyansa si Senate president at Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) chief Juan Miguel “Migz” Zubiri na makakasikwat sila ng anim sa kabuuang 12 golds ngayong araw.
- Latest